Ito kami noon, ano na kaya ngayon?
Ilang taon na ang nagdaan mula ng kunan ang larawang ito... nagkatuwaan tingnan daw namin sino ang pinaka photogenic sa amin. Nakakatuwa kasi sa pakiramdam namin lahat kami maganda dito sa shot na to. Masaya kami noon, inaabot ng hatinggabi ng kwentuhan lang... sinubukan ang lahat... malasing, magyosi at tumakas. Madalas pa nga nagtatakipan. Kasi ganun e. Kasi masaya e. Kasi BARKADA KAMI. Ang bawat isa ay pinsan ng isa at pinsan ng pinsan ng isa... magulo ba? Kasi yung pinsan ko nagiging pinsan nila at yung pinsan nila nagiging pinsan ko kahit wala naman talagang relasyon. Kumbaga nagmula sa lahi ng ina at ama namin. Marami kaming masasayang alaala... mga sikretong hanggang sa mga oras na ito kami lang ang nakakaalam. Nakita namin kung paano naging maligaya ang isa, nalungkot, nagmukmok, umiyak, nagtagumpay at di pinalad. Magkakasama kaming bumuo at nangarap ng mga naisin sa buhay... sa karera... sa pag-ibig... sa pananaw sa buahy at sa kung anu-ano pa. Magkakasama kaming umiiyak sa mga problema ng bawat isa, magkakasama kaming humalakhak sa tagumpay ng isa... magkakasama kaming inaayos ang bawat di pagkakaunawaan ng isa. Kasama naman yun e ang magkampihan at mahati pamin-minsan. Pero di kami binuwag ng mga problema at pagtatalo... pinaghiwalay lang kami ng panahon at karera... nagkaron ng kanya-kanyang buhay... lumipat ng bahay... umasenso ang ilan, ang iba naman ay patuloy na lumalaban sa buhay. Ano na kaya kami ngayon? Lima sa amin ay may pamilya na, yung dalawa dalaga pa. yung isa hiwalay na, yung isa nakakapit pa, meron pa ngang takot mag-asawa kasi nag-eenjoy sa pagiging dalaga. Nakakalungkot lng kasi wala ng panahon na mabuo kami, wala ng oras para magkwentuhan hanggang hating gabi, wala ng lugar na paglalaanan ng mga problema ng buhay... Naitatago na ang nararamdaman at estado sa buhay. Siguro kasi nga wala ng oras... pwede ding wala ng pakialam... di naman siguro. Mas mamatamisin kong isipin na wala lang oras, na kahit anong mangyari nanjan pa din ang bawat isa... naghihintay lng na tawagan, itext, i-email... Sana magkasama-sama tayo ulit... isang buong gabi na wala tayong iisipin kundi ang kumustahin ang bawat isa... Puro sana... pero ganun talaga e... nakakamiss, nakakpanghinayang kung hindi mapapanday ang nabuong samahan... minsan iniisip ko naaalala pa kaya nila na minsan sa buhay namin sabay-sabay kaming nagtatanong ng SANA... andito lng ako... ang ate nyo... halika usap tayo... sana pwede ka... sana me oras ka... sana...

Comments