BUKAS NA LIHAM PARA SA AKING MGA ANAK

Nobyembre 19, 2007... eksaktong alas onse, singkwneta'y singko ng mapatigagal at maisip ko kayo. nagsimulang maglakbay ang aking isip sa nakalipas at nakita kong di ako naghanda sa pagdating nyo.

Katotohanang pilit kong tinatakasan. Kinakalimutan. Pilit binibigyan ng katwiran ang aking pagkukulang. Ang mga panahong wala akong oras sa inyo. Di ko nasilayan ang mga unang salita ni bunso. Kinagugulat ang bawat pagbabago sa buhay niya. Namangha ako sa kakayahan ng aking munting dalaga na kumanta at sumayaw sa karamihan ng tao. Sa kabila ng mga panahong wala ako para hubugin kayo, nakita kong lumalaki kayong may tiwala sa sarili nyo. Na di ko man laging sinasabi pero ipinagmamalaki ko kayo. Sa pagdaan ng panahon hayaan nyo akong ayusin ang dadaanan nyo... ibibigay ko ang lahat ng ikabubuti nyo... maunawaan nyo sana na kaya ako laging wala dahil gusto kong ibigay sa ainyo ang lahat-lahat. Na ialay sa inyo ang pinaka magandang buhay na naisin ng kahit sinong magulang.

Mga anak, makita nyo sana ang landas na tama tungo sa iyong mga pangarap. Lumaki sana kayong may takot sa Diyos at isang mabuting kristyano. Taglayin nyo ang prinsipyo ng katotohanan at tama. Maging mahinahon ngunit lumaban kung kinakailangan. Maging mapagbigay pero wag palalamang. Maging subersibo basta nasa katuwiran. Ipinangangako kong ibibigay sa inyo ang kalayaan sa lahat ng bagay, ngunit hayaan nyo sana akong maging gabay nyo sa pagdedesisyon sa mga bagay-bagay. Ibibigay ko ano mang naisin nyo kung meron naman tayo... hiling ko na manapa'y magtiis kung salat tayo. Napakaganda ng mundo, napakasarap mabuhay sa kabila ng pangit na lipunanag gagalawan nyo. Pero pagagandahin ko ang mundo nyo sa piling ko... namin ng tatay nyo. Taglayin nyo ang matuwid na prinsipyong nasa katauhan ko. Maging mabuting Pilipino sa bansang kinagisnan nyo,ipagmalaki ang lahi nyo at patuloy na ipaglaban ang mga karapatan nyo. Di ko man laging sinasambit pero mahal na mahal ko kayo higit pa sa buhay ko...


                            

WALANG PAMAGAT

Ang hirap ng nararamdaman ko, di ko maipaliwanag ang iisipin ko... Ang masama pa nito naaawa ako sa sarili ko. Pakiramdam ko ginagawa ko ang lahat para pagsilbihan at pagbigyan ang iba ngunit ang mga nais ko di ko magawa. Bakit nga ba? Kasi ako ang tipo ng tao na madaling ibuhos ang sarili at lakas sa mga nakakasalamuha ko... madali akong magbigay ng isang daang porsiyento o higit pa sa kahit na anong bagay. Ano kaya tawag dun? Nagrereklamo ako pero patuloy akong gumagawa at umaasa na darating ang panahon lahat ng ito me kabuluhan. Nakakalungkot lang kasi iniisip ko ano pa ba ang di ko nagagawa para sa kanila? Ano pa ba pwede ko gawin para mapansin din? Tama bang tanggapin ko na lang ang lahat para madali ang pag-angat? Haaayyy... ang sakit ng puso ko! Madalas na ituran ko ng pabiro para matabingan ng pagkukunwari ang naglalamlam kong pag-asa... ang mga inaasahan kong di nagkaron ng kaganapan patuloy na nilalamon ng dilim, palayo sa kaganapan ng mga mithiin.

Ayokong umalis pero ayoko ding magtagal... ayokong me masaktan pero ayoko ding masaktan... ayokong me masambit na di tama pero di ko kayang manahimik at itikom ang bibig, magsuot ng maskarang magtatago sa tunay kong nararamdaman... ayokong me maramdamang inggit kahit harapan kong nakikita... ayokong maramdaman ang nararamdaman ko pero tao akong nasasaktan at me pakiramdam... Ayokong tumingin sa dumi ng iba dahil alam kong me sarili akong batik... Ayoko ng umasa dahil labis ang sakit... pero sabi ng puso ko patuloy akong kumapit sa pag-asa kasi yun na lang ang natitira...

Matatapos na ang taon, hudyat ng dagdag ng taon sa buhay ko. Susuriin ang nagdaang taon. May natapos ba ako? May pagbabago ba sa buhay ko? Meron naman... marami... Kung titingnan ko ang nagdaang taon di man naging mabunga ang mga sinimulan ko taas noo kong sasabihin sa kahit sinong di ako nagkulang sa inyo. Ibinigay ko ang kahulihulihan kong lakas para sa mga taong may kinalaman sa buhay at pagkatao ko. Haharapin ko ang susunod na taon at itutuloy ang mga plano ko ng nagdaang taon. Sa pagdating ng takipsilim sa aking buhay nais kong me balikan sa aking mga alaala na ito ang buhay ko... ganito ako nagtagumpay... ganito ako humarap sa kabiguan... ito ang mga pasakit ko... ito ang mga mithiin ko... di man nagkaron ng kaganapan... libre namang umasa e...

PROUDLY PINOY

Proud Pinoy! I recently joined the logo competition of the www.proudpinoy.org. "A competition to design a "Proudly Pinoy" logo intended for placement on Filipino websites. The idea is to create a logo which expresses the pride of being Filipino, and which will allow a web site to elegantly declare its Philippine identity." A battlecry that our company at In-A-Jiffy Enterprises the exclusive distributor of WOW! the best-selling magic sing has been campaigning for 3 years or so. I take pride as an employee for being a part in my own little way to promote the Philippines and it's beautiful sceneries thru the picture backgrounds of the WOW! magic sing. I strongly believe in the idea of our big boss Sir AVS to show your love for your country be a tourism promoter. I hope that thru this i can show my love for our country... to be a PROUD PINOY! Chosen or not just merely by expressing my thoughts i know in my heart I am a winner... that's what you call GUTS! hehehe....my entry is number 94, 111 (a.k.a. PenMouse). I've 3 entries... but i think it's not yet uploaded...

as of this writing the entries are 124. Such great logos to look at, truly the filipinos are creative to the true sense of the word. Very competitive and world class. I personally like entry nos. 22,43, 52, 64, & 85. I think their logos are cool and with distinction of a Pinoy as the saying goes "TATAK PINOY". I bet the judges would have a hard time choosing the best from the best. So Goodluck to the judges and to all the artist who joined "Mabuhay po kayo!"...

visit their site: www.proudlypinoy.org

Hopya at Kape

Malapit lng ang bahay namin sa bahay ng aking mga magulang, madalas kahit malapit lng di ko pa sila nakikita, di ko sila nadadalaw. At madalas sila ang pumupunta sa amin upang silipin kami ng mga bata. Dadaan at hihiramin ang mga bata, maya-maya ibabalik din. May mga dalawampung hakbang lang yata mula sa amin hanggang sa bahay ng aking mga magulang.

Minsan naisipan kong pumunta upang makipaghuntahan sa aking orihinal na tagapagligtas bago ang aking asawa... ang aking AMA. Naabutan ko syang nasa parehas na lugar pa din ang paborito nyang upuan malapit sa kanyang opisi-opisinahang lamesa. Nagbabasa at nagmimiryenda ng paborito nyang Hopya at kape. Minsan ko na syang tinanong sa di ko maisip na kombinasyon na iyon. Tanging sagot nya "masarap sa panlasa ko e, di ko sya maialis sa araw-araw, para sa akin kung walng kape walang hopya". Pinagmasadan ko sya sa layong mga tatlong dipa... nasabi ko ang tanda na pala ng tatay ko. Ang mga pisnging lagi kong hinahalikan nung bata ako e puno na ng kulubot at naging mas maitim pa sya lalo sa pagdaan ng panahon. Ang kanyang mga palad ay pinakapal na ng panahon. Ang kanyang mga balikat na dating matikas ay bahagyang bagsak na. Ang buhok n dating malago at kulay itim ay numipis na at may kulay puti na din. Pati ang paborito nyang tasa ay kumupas na din... hudyat ng maraming taon na pala ang nagdaan. Naisip ko tuloy napasaya ko ba sya bilang anak? Naibigay ko ba ang mga pangarap nya para sa akin? Kaya ko na ba pag nawala na sya? Ang sagot... siguro napasaya ko naman sya, siguro naabot ko ang mga inaasahan nya para sa akin, at kung mawawala sya... hindi ko pa kaya.... sa ngayon. Naisip ko tuloy ang tinuran nya tungkol sa Kape at Hopya... masarap sa panlasa, kung walang kape wala ding hopya. Dahil kung hindi dahil sa tatay ko wala din ako...sa mga susunod na araw pipilitin kong maging espesyal pag dindalaw ko sila. Sila ng aking INA... sila ang KAPE at HOPYA sa buhay ko.

Ito kami noon, ano na kaya ngayon?

Ilang taon na ang nagdaan mula ng kunan ang larawang ito... nagkatuwaan tingnan daw namin sino ang pinaka photogenic sa amin. Nakakatuwa kasi sa pakiramdam namin lahat kami maganda dito sa shot na to. Masaya kami noon, inaabot ng hatinggabi ng kwentuhan lang... sinubukan ang lahat... malasing, magyosi at tumakas. Madalas pa nga nagtatakipan. Kasi ganun e. Kasi masaya e. Kasi BARKADA KAMI. Ang bawat isa ay pinsan ng isa at pinsan ng pinsan ng isa... magulo ba? Kasi yung pinsan ko nagiging pinsan nila at yung pinsan nila nagiging pinsan ko kahit wala naman talagang relasyon. Kumbaga nagmula sa lahi ng ina at ama namin. Marami kaming masasayang alaala... mga sikretong hanggang sa mga oras na ito kami lang ang nakakaalam. Nakita namin kung paano naging maligaya ang isa, nalungkot, nagmukmok, umiyak, nagtagumpay at di pinalad. Magkakasama kaming bumuo at nangarap ng mga naisin sa buhay... sa karera... sa pag-ibig... sa pananaw sa buahy at sa kung anu-ano pa. Magkakasama kaming umiiyak sa mga problema ng bawat isa, magkakasama kaming humalakhak sa tagumpay ng isa... magkakasama kaming inaayos ang bawat di pagkakaunawaan ng isa. Kasama naman yun e ang magkampihan at mahati pamin-minsan. Pero di kami binuwag ng mga problema at pagtatalo... pinaghiwalay lang kami ng panahon at karera... nagkaron ng kanya-kanyang buhay... lumipat ng bahay... umasenso ang ilan, ang iba naman ay patuloy na lumalaban sa buhay. Ano na kaya kami ngayon? Lima sa amin ay may pamilya na, yung dalawa dalaga pa. yung isa hiwalay na, yung isa nakakapit pa, meron pa ngang takot mag-asawa kasi nag-eenjoy sa pagiging dalaga. Nakakalungkot lng kasi wala ng panahon na mabuo kami, wala ng oras para magkwentuhan hanggang hating gabi, wala ng lugar na paglalaanan ng mga problema ng buhay... Naitatago na ang nararamdaman at estado sa buhay. Siguro kasi nga wala ng oras... pwede ding wala ng pakialam... di naman siguro. Mas mamatamisin kong isipin na wala lang oras, na kahit anong mangyari nanjan pa din ang bawat isa... naghihintay lng na tawagan, itext, i-email... Sana magkasama-sama tayo ulit... isang buong gabi na wala tayong iisipin kundi ang kumustahin ang bawat isa... Puro sana... pero ganun talaga e... nakakamiss, nakakpanghinayang kung hindi mapapanday ang nabuong samahan... minsan iniisip ko naaalala pa kaya nila na minsan sa buhay namin sabay-sabay kaming nagtatanong ng SANA... andito lng ako... ang ate nyo... halika usap tayo... sana pwede ka... sana me oras ka... sana...

LULLABY & LULLABELLE

This is a song from the hit fantaserye "Super Inggo". As a mom i tried to be beside them while watching this... my only time for bonding with them after an 8-10 hours of tinkering over the computer at work. My eldest Calay love this song so much that she wanted me to sing this to her every night. I still sing lullabyes whenever i can... you know to show them that their safe in my arms...actually i composed a "lullabelle" for my Helen Isobelle ( thus the title Lullabelle). Funny it's kinda same with the lyrics below.... see for your self...

LULLABELLE
by: Momi Len

Tulog na bunso,
kong Mahal
Tulog na bunso ko
meme na,
Ipikit na iyong mata,
bisig ko'y kanlungan mo,
Yapos ko'y kumot mo
di kailanman iiwan
ni inang nagmamahal
mananatili kang munti
sa puso ko...
mananatili kang bunso ko...
tulog na bunso
tahan na
tulog na bunso
ko meme na
pawiin ang lumbay mo
sa dibdib ko mapanatag ka
sa yakap ko mapapayapa ka
di kailanman iiwan
ni inang nagmamahal
mananatili kang munti
sa puso ko...
mananatili kang bunso ko...

(kakaiyak i miss my kids...) i'll hum the tune and download it here... next tym

LULLABY
by Ciel Perlas

Tulog na aking mahal
Takot ay kalimutan
Di kailanman iiwan
Pagmamahal sa'yo ilalaan
Di hahayaang masaktan
Gabi't araw ay babantayan
Hangga't ako ay kailangan
Pangako ko hindi lilisan
Ang araw ay sisikat din
Magwawakas rin ang dilim
Liwanag ay masisilayan din
Bukas ay salubungin
Harapin ang umaga
Dala nito'y pag-asa
Yakapin mo ang ligaya
Pagkat hindi ka na mag-iisa
Ang araw ay sisikat din
Magwawakas rin ang dilim
Liwanag ay masisilayan din
Bukas ay salubungin
Tahan na...
Ang araw ay sisikat din
Magwawakas rin ang dilim
Liwanag ay masisilayan din
Bukas ay salubungin
Di na muling luluha pa
Ligaya ay nahanap na...

Malungkot sa Itaas: PARA SA MGA WORKING MOM

Malungkot sa itaas kasi marami ka isasakripisyo. Gusto mo sa posisyon mo pero gusto mo ding maging ina at asawa. Katotohanan na laging nang-iipit sa damdamin mo bilang babae at bilang taong me gustong patunayan sa mundong ginagalawan mo... kasalanan mo ba kung pinagbutihan mo at napansin ang kakayahan mo... kasalanan mo ba kung kakaiba ka sa karamihan at meron ka nung tinatawag na "INDIVIDUALITY." Ang sagot oo kasalanan mo kasi pinagbutihan mo... sa mga araw na dapat katabi mo mga anak mo nasa seminar ka o kaya nasa opisina ka pa nakasubsob sa mala payatas na paperworks, nakatutok sa monitor at gumagawa ng report. Na kahit anong puyat ang gawin mo di naman matapos-tapos. Kasi sa likod ng isip mo nagtatanong ka "natutulog na kaya ang mga bata?", "kumain na kaya sila?' Ilan lang yan mga mare sa mga tanong... mga tanong na paulit-ulit sa isip mo. Alam mo kung bakit? Kasi nagi-guilty ka kasi dapat andun ka sa tabi nila para maghanda ng pagkain nila para kantahan sila para makatulog... e ang kaso wala ka e... nagpapaalipin ka sa opisina nyo na ni minsan naman yata di napapansin paghihirap mo... (o di ba sad yun) Nagtayo lng sila ng departamento na pinangungunahan mo para me mapagalitan, sisihin at utusang gumawa ng mga bagay na di ka sigurado kung magagawa mo ng tama. Eto pa isang mabigat, paguwi mo dahil dis oras na ng gabi aawayin ka ng asawa mo kasi ginabi ka nanaman at sasabihing di ka sasabitan ng medalya ng opisina sa pagmamartir mo... syempre magagalit ka sasabihin mo sa asawa mo pagod ka na at ayaw mo ng pagtatalo... (o di ba sad ulit) kinabukasan magaalmusal ka ng parang di ka nag-eexist sa mundo at higit sa lahat iiwan ka kasi tanghali ka na nagising at di ka na maisasabay sa sasakyan... magmamadali ka sa pagaayos ng sarili mo di mo napapansin ang anak mo nagpapakarga sayo... magagalit ka at tatawagin ang yaya para kunin ang bata... sa kaso ko madalas natitigagal ako kasi dalahira ang anak ko... sasabihin sayo "mommy pansinin mo naman ako ni hindi ko nga alam anong oras ka na umuwi kagabi tapos ngayon nagmamamdali ka naman..." napa buntong hininga ako at nasabi sa sarili ko na sana anak di ka na lng matatas magsalita... kasi sa aminin mo't hindi madalas silang mga bata ang nagpapamulat ng mga bagay-bagay sa atin... haayyy, minsan sabi ko unfair ang kultura na kinalikihan natin... kasi kapag ang babae ang nagkulang ng oras katratrabaho sasabihin wala kang kwentang ina dahil puro ka trabaho... pero kapag mga lalaki ang halos wala ng oras sa pamilya sasabihin ng lipunan masipag syang ama... (eto talga nakakamatay na lungkot) E pano tayong napilitang magtrabaho dahil kulang ang kita ni mister. Ang labo di ba? Ang babaeng nagtratrabaho ambisyosa ang lalaking nagtratrabaho good provider... haaayyy ulit. Basta ako isa lng ang masasabi ko sa mga nanay na nagtratrabaho... MAHAL NATIN ANG PAMILYA NATIN KAYA NATIN GINAGAWA ITO! Hindi tayo kulang sa oras, mapaghanap lang sila... kala lng nila meron pero wala, wala, WALLAAAAA!!! Malungkot dito... sa taas... sa tuktok ng tagumpay kung ayaw ka nila intindihin... intindihin mo na lng sila gaya ng ginagawa ko... kung ayaw nila magpaintindi... e di wag... magtrabaho ka na lng ng magtrabaho para di mo mapansin na malungkot ka...
September 15, 2006 | Permalink | Comments (5)

Labindalawang Hakbang

Isa…dalawa…

Ang bilis ng panahon ngayon ikakasal ka na. Hayan ka sa bukana ng simbahan
Di mapakali, palakad-lakad. Bakas sa mukha mo ang kaligayahang ngayon ko lng nakita,
Naghihintay sa paghahandugan mo ng buong buhay mo, kay ganda ng disenyo ng barong tagalog na suot mo sinama mo pa ko sa pagbili…
Naalala ko nung college tayo mahilig ka magpasama,
Kahit sa dati mong kasintahan naging tulay nyo pa ko…
Halos umusok ang telepono namin habang naguusap kayo…
Masaya ako nun para sayo kasi sabi ko, nakahanap ka din ng katapat mo.

Tatlo…apat…

Sa simbahan mula sa likod tanaw ko ang paglalakad mo masaya ka sa tingin ko, kasi nakita mo na ang hinahanap mo…handa ka na? Ewan ko pero isa lng ang tiyak ko… umiibig ka. Sa tagal na kitang kilala alam ko kung masaya ka o napipilitan ka, ngayon sa tingin ko… di ako sigurado… basta’t bagong tabas ang buhok mo at naka-gel ang buhok mo
Nalaman ko wala na kayo ng kaibigan natin bulalas mo pa nga “daming babae d’yan…”Nalungkot ako at nagalit sa’yo kasi nagpaiyak ka na naman ng katulad ko. Malupit ka, pero nananitili akong kaibigan mo, Sa kabila ng mga panghuhusga nila sa ‘yo… bakit ka nga ba ganyan? Ewan ko ba sa’yo hilig mong makakita ng luha sa mata ng sinasabi mong minamahal mo…

Lima… Anim…

Sumunod sa paglakad mo ang mga pamilyar na mukha… na sumasalamin sa katauhan mo, mga kaibigang nakita ang lahat ng ngyari sayo bago ang kasal. Kakikisig at kagaganda ng porma, halatang excited din sa araw na ‘to bagay na pinaghandaan nilang may makita sa’yo. Paano naman, tulad nila gusto naming malaman paano kapag seryoso na, kaya mo ba?
Disyembre nun tinawagan mo ako sabi mo “sinagot na ako ni Mahal!” Lasing na lasing ka sa kasiyahan… ako naman nalulungkot…Baka hindi pa din totoo, ilan pa kayang katulad ko ang paiiyakin mo? Pinilit kong maging masaya para sa’yo kahit nagdududa ako… kasi sabi ko sa sarili ko hayan ka nanaman ngayon gusto mo… bukas ayaw mo.

Pito…Walo…

Pilitin ko mang lumapit sa’yo di ko magawa…hindi pwede. Magugulo ang araw na iyon kung lalapitan kita ngayong nasa harap ka ng altar…Gusto kong lapitan ka, gusto kong yakapin ka pero hindi pwede…Nagkasya na lng ako na titigan ka mula sa di kalayuan, ang gwapo mo pala… kung pwede lng na tabihan ka ginawa ko na.
Sa gitna ng putukan noon, eksakto alas 12 tumawag ka sa akin Malungkot ka lasing na lasing sa alak… ang sabi mo “wala na kami ni mahal…”Nagulat ako, kasi kakasagot palang sa’yo… natuwa ako ng lihim at least sabi ko, ikaw naman ang nasaktan… hehehehe… buti nga sa’yo.

Siyam… Sampu…

Muli kitang tiningnan sa huling pagkakataon bago naghanda sa pag-alis sa kinalalagyan ko, gusto ko bawat minuto at hakbang mo tumanim sa isipan ko… nakita ko nagpunas ka ng pawis… pawis o luha? Ano ba yun? Kaligayahan o kalungkutan… kung ano man yun isa lng ang sigurado ako…handa akong tanggapin ang araw na ‘to at masaya ka sa napili mo.
Nakita ko na naghimutok ka at me nagsabi sa akin meron kang bagong sinisinta Di ako makapaniwala kung sino yun, nagulat ako at di umimik… totoo na kaya yun? Masama ang loob mo kasi meron syang iba na inakala mong katipan nya… Bulgar mong tinawag sya sa paraang ginamit mo na sa iba. At di ka pumayag na di Din yun ang itawag nya sa’yo…nakipaglokohan sya sa’yo dahil alam nya gusto mong Paglaruan sya. Batid nya na niloloko mo sya pero sumubok pa din ang gaga… Ano nga ba ang meron ka at napapayag mo lahat?

Madalas akong umiyak, dahil nasasaktan ako sa ginagawa mo pero wala akong magawa hinayaan kita e, naisip ko hindi ka siguro para sa akin kasi madalas balewala ako sayo. kahit masakit sige lng andito pa din ako para sa’yo…Minsan masaya ka… masaya din ako… malungkot ka ramdam ko ang pighati mo, sabi mo wala ng tatanggap sayo, pabulong kong sinasabi ako tatanggapin kita papasukin mo lng ako sa mundo mo… pati pamilya mo madalas suko na syo wala na daw tatanggap sayo, sa loob-loob ko hindi naman siguro…

Labing isa… labing dalawa…

Eto na, naiiyak ako papalapit na ako sayo, Na kahit nakakakaba gagawin ko
Kahit hindi ako sigurado sa gagawin ko sisige ako… nakita ko ang mukha mo maaliwalas
Manaka-naka’y napapatingin ka sa akin at sa karamihan… ah bahala na kung mali o tama ang desisyon ko, kailangan malaman mo kung ano ang nasa puso ko…nanlalamig, nabibingi at walang marinig. Nakatingin ang lahat ng bisita sa akin, parang titingnan nila kung ano ang aking gagawin… huminto ang mundo ko…napapikit ako… napangiti masaya ako para sayo … sa wakas ikakasal ka na sa babaeng sinabi mo na pinangarap mo… napaluha ako sa nakita ko …isang hakbang na lng at di ka na malaya….Ikakasala ka na …sa AKIN, Mahal ko. Kasi sila muna bago ako…t

Si bunso

Nakakakaba, natatakot, umaasang hindi pa sana... gumising ako hawak ang isang instrumento na magpapatotoo na ako ay isang ganap na ina... nanaman.
2004 noon ika-14 ng enero ng mapagdesisyunan ko ng malaman kung ako ba ay nagdadala ng buhay sa aking sinapupunan... takot na takot ako... naiisip ko hindi pa ako handa. Isang taon at pitong buwan pa lng ang panganay kong si Calay. Kung ano man ang maging resulta ang tanong handa ba ako? Ang sagot hindi pa... panu kung positibo? Ang sagot ko hindi pwede... wala akong magawa. May trabaho ako ngunit kapapasok ko pa lng. Wala pa akong isang buwan. Naganap ang aking kinatatakutan... kinuha ko ang tester na “Medic” tinakpan ang bintana ng kaganapan sa pagtetesting na iyun, lumakad ang likudong ipinatak ko... isang guhit na kulay pink... maya-maya pa dalawang guhit na kulay pink. Gumuho ng sandali ang aking mundo... Buntis ako. Isang linggo akong nasa ilalim nang pagtanggi sa aking nalaman. Sabi ko hindi pwede baka me paraan pa. Me kinausap ako takot man mas nanaig sa akin ang hindi matuloy ang aking sitwasyon. Sabi ng kausap ko “CYTOTEC lng yan...”, hahatiin daw sa gitna ang mala pisong gamot ang isa ay iinumin at ang isa ipapasok sa pwerta... ilang araw lng magkakaron na daw ako. Wala akong ideya kung ano yun pero desidido akong gawin, magpapabili na lng ako. Mura lng naman, tatlong daang piso. Katoliko ako at nabibilang sa isang samahan tungkol sa pagpanday ng pamilya – ang COUPLES for CHRIST. Aktibo sa serbisyo, umaattend ng tinatawag na “household” kung saan pinag-aaralan ang salita ng Diyos. Wala akong pinagsabihan ng aking kundisyon sa kagustuhang itago ang aking gagawin... sabi ko di naman ako lng ang gumagawa nito. Di pa naman siguro ito tao dugo pa lng... Marami akong takot... una, di ako handa... pangalawa, kakapasok ko pa lng baka tanggalin ako pag nalaman nila... pangatlo, takot ako sa operasyon dahil na-CS ako sa panganay ko. Alam ko na ang pagdaraan ko. Sinabi ko sa aking asawa ang balak ko, di sya kumibo, di sya umimik. Wala syang reaksyon. Sa loob-loob ko di ako humihingi ng pagpayag nya, pinaaalam ko lng ang aking balak. Marami kaming santo sa bahay pakiramdam ko inuusig nila ako sa aking balak sabi ko din ko naman ipapalaglag e gusto ko lng “magkaron” sabi ko pwedeng mali ang “Medic” dahil gawa lng yun ng tao. Ganun pa man natatakot na ako sa aking balak... unti-unti nagdasal ako sabi ko patnubayan ako sa gagawin ko... Ang kapal ko noh... sa Diyos pa ko humingi ng tulong. Nagising ako sa isang panaginip na me kausap ako na ang anak ay pinakamagandang regalo ng Panginoon... hindi na ko makatulog ulit binalewala ko lng yun. DESIDIDO pa din ako. Isang araw sa silid ng aking mga magulang narinig ko tinatawag ako ng nanay ko sabi nya halika dito pumasok ka me ipapakita ako sayo. Pumasok ako... wala naman tao. Pero dinig na dinig ko nanay ko yun... pagpasok sa pinto sa gawing kanan ako napatingin nandun ang altar ng aking ina. Dati ay ang Birheng Maria ang nandun, bakit kya ang Nino Hesus ang nandun? Paaalis na sana ako ng me nahulog na babasahin sa altar... Newsletter ng Couples for Christ ang pangalan “Ugnayan”. Bagong edisyon may ugali akong kahit na anong basahin e sa likod ako unang tumitingin. Pagbukas ko Napakalaking letra “CYTOTEC- bagong paraan ng pagkitil ng buhay”... napaluhod ako, humagulgol at hiyang-hiya sa aking sarili. Ano ito pagusig ng konsensya? Sa altar ng Nino Hesus ang santo daw ng mga bata at sanggol. Babasahin tungkol sa balak kong gamitin. Nung mga oras na yun labis ang aking pagsisi, sabay himas sa aking tiyan at nakita ko ang aking sarili na hinahaplos ko yun at humhingi ng tawad sa aking pinakamamahal na anak na binalak kong patayin. Nakapagdesisyon ako na kinabukasan din ay magsasabi na ako sa opisinang pinapasukan ko at maghihintay sa aking kagampanan at maghahanap na lng ulit ng trabaho pagkapanganak. Maraming bumabagabag sa aking isip pero parang ang gaang-gaang dalhin. Sinabi ko sa aking asawa ang aking tinatawag na mensahe mula sa mahal na ina akala ko nanay ko basta ang aking paniniwala ang Mahal na Birheng Ina yun... nagliwanag ang kanyang mukha at sinabing ituloy mo na yan... Nagdasal ako bago kausapin ang aking boss sabi ko Lord, bahala ka na bigyan mo ako ng lakas... Ilang minuto pa nasa harap na ako ng aking amo, sinabi ko ang aking kalagayan at humihingi ng tawad dahil pumasok ako ng buntis sa kanilang kumpanya... napaluha ako sa kagalakan sa kanyang tinuran “bakit ka magreresign? Dahil buntis ka? Ako din buntis e... saka me asawa ka naman natural ang mabuntis. Kasal naman kayo diba? Okay lng yan...” Walang padsidlan ang aking kasiyahan... umiyak ako sa banyo sa labis na kagalakan sa tinatawag kong double blessing... ang aking magiging anak at ang aking trabaho. Sa banyo ng aming opisina ay may nakasaad na tungkol sa ang katotohanan ang magpapalaya sayo, wag kang mangamba at ang kaluwalhatian ng Panginoon at laging sumasainyo, “Christian” kasi sila ma'am... kumatok ka at ika'y pagbubuksan ng pinto. Nagpuri ako sa panginoon, pakiramdam ko sinsagot nya ang lahat... sabi nya wala kng hihilingin na hindi ko ibibigay basta't nananalig ka sa akin... Syempre sinamantala ko sabi ko Lord, pwedeng humiling? Pwede po ba na maging lalaki ang anak ko... dumating ang araw na malaman ko kung ano ang kasarian nya... ang sabi ng doktora ko wag na daw akong magpaultrasound at me nagbulong sa kanya na lalaki ang nasa sinapupunan ko. Umiyak nanaman ako, sabi ko napakabuti mo Lord. Dumating ang araw ng aking kagampanan, prinay over ako ng aking mga magulang at asawa. Nasa operating room na ako mabilis na mabilis ang pangyayari. Takot man ako ay nilakasan ko ang aking loob... gusto ko pagnilabas ang anak ko makita ko... inilabas ang aking si anak... Si Carlos Juan ko... lalaki at pagkaputi-puti, may dimples pa. Triple-blessing na ito... Nakalimutan ko pala banggitin bago ako magleave napromote pa ako bilang supervisor ng aking departamento... anong tawag dun? “pag nagtiwala ka SIKSIK, LIGLIG, UMAAPAW ang biyaya ng Diyos.
Ngayon ang aking si Carlos Juan, nakakatuwa, bibo kahit bulol... at higit sa lahat napakagwapo. Balang araw ikwekwento ko sa kanya ito... hihingi ako ng tawad... aasa na lng akong maiintindihan nya din na tao ako nagkakamali... Buti na lng... kung hindi yun ang pagsisihan ko habang buhay.
January 12, 2007 | Permalink | Comments (0)

January 2008

Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
    1 2 3 4 5
6 7 8 9 10 11 12
13 14 15 16 17 18 19
20 21 22 23 24 25 26
27 28 29 30 31    

Categories

Powered by Friendster Blogs